Erasmus bilang banyaga: sa baligho at eksistensyalista

Author

Jerry Yao

Jerry Yao

Alas singko y medya na ng umaga at mayroon pa akong labinlimang minuto para makalabas ng kwarto. Kailangan kong lisanin ang Pransiya nang pansamantala upang mapahaba ang visa ko na iginawad sa akin ng Republikang Tseko. Subalit, dahil sa Covid ay bihira na ang mga byaheng pa-ibang lungsod sa loob ng Pransiya kung kaya’t kinailangan kong sumakay sa 6:30 AM na tren mula Grenoble patungong Lyon para maabutan ko ang eroplanong papuntang Frankfurt sa 6:10 PM. Kung sa bus naman ay ganun rin, dahil itinigil na nila ang pagbyahe sa katapusan ng linggo. Mula sa Frankfurt ay lilipad ako patungong Vienna kung saan naman kailangan kong sakyan ang tren na magdadala sa akin sa lungsod ng Brno sa Tseko, kung saan ako nag-aaral.

Napakagulo ng buong sitwasyon dahil dalawang linggo bago ang aking unang nakatakdang paglipad patungo sa Republikang Tseko, may nilabas na bagong mga patnubay para sa mga manggagaling mula sa Pransiya na nagsasaad na kailangan nilang mag-isolate sa kanilang pagdating. Dahil dito, kinailangan kong baguhin ang lahat ng aking mga plano para maisingit ang pag-a-isolate bago ako humarap sa Foreign Ministry. Ang dati sanang dalawang oras lang na paglipad ay biglang naging tatlumpung oras na byahe. Sa kalagitnaan ng aking semestreng Erasmus sa Pransiya, kinailangan kong bumalik sa Tseko para mag-habol ng dagdag na oras para sa visa ko dito sa Europa. Sa kalagitnaan ng pagkakabunot mula sa aking bagong tahanan, muli na naman akong binubunot. Bilang isang banyaga sa Europa, ganito ang Erasmus.

Kahit na ito ay pang-isang semestre lang, ang pagkakalitong nangyayari ay ramdam na ramdam. Mula sa pagkolekta ng lahat ng mga dokumento, ng insurance, at ng mga permit, ang paghahanda para sa Erasmus at ang paninirahan sa bagong siyudad ay kumplikado na sa sarili nito. Kung idadagdag mo pa yung mga paghihigpit na dala ng covid sa panggagalingan at pupuntahan mo, pati na rin ang mga komplikasyon na dala ng pagiging banyagang estudyante na pilit ginagamit ang kanyang mga karapatan bilang isang estudyante sa pamantasang nasa Europa, makikita mo na lang ang sarili mo na may benteng tabs na nakabukas sa iyong browser para malaman kung anu-anong mga dokumento ang kailangan at kung kanino ito ipapakita. Ang kakaibang pagkakapatung-patong ng mga pangyayari na ito ay nagbigay sa akin ng tiyak na pagkakamanhid sa mga pabago-bagong regulasyon, at ng kakayahang humigop ng impormasyon na sa sobrang dami ay hindi na naiba sa pag-inom mula sa hose ng bumbero.

7:20 noong dumating ako sa paliparan, halos isang oras bago pa man magbukas ang mga Covid testing site. Napagtantuhan ko na sa aking pagmamadali ay naitapon ko ang pagkaing inihanda ko noong gabing lumipas, nung umaga kasama ng basura. Nandun akong gutom, pagod, at mga sampung oras pa mula sa totoong simula ng byaheng ito. Pumila ako para magpa-suri na nalalamang kailangan kong magpa-suri nang dalawang beses: Una, yung antigen test na mabilisan lang ang resulta para pasakayin ako sa eroplano patungong Frankfurt sa araw na iyon, at isa namang PCR test na kailangan ng gobyernong Tseko para patawirin nila ako galing Vienna sa susunod na araw.

erasmus is flying

Nang makuha ko na ang mga resulta, tumuloy na ako patungo sa nakatalagang gate at dumiretso sa border control. Doon, ipinakita ko ang passport ko pati na rin ang mga resultang nakolekta ko kanina. Agad ibinalik sa akin ng ahente yung ibang mga dokumento. Kanyang ibinuklat ang aking passport at tinanong niya ako kung bakit ako nasa Pransiya. Sumagot ako na andito ako para mag-aral. Agad-agad niyang iginiit na hindi yun totoo at malabo itong maging totoo dahil ang visa ko ay galing Tseko. Habang nangyayari ito, hindi nawala sa isip ko na kinakausap niya ako sa wikang Pranses at sinasagot ko naman siya sa Ingles. Muli kong ipinaliwanag sa kanya na ako ay nasa Erasmus. Paulit-ulit yung usapan namin hanggang sa nagpumilit akong bigkasin ang salitang ‘Erasmus’ na may pinaka-Pranses na pag-diin na kaya kong ibigay. Doon niya ko naintindihan. Nung akala kong tapos na ang proseso, ipinakita niya sa akin ang harap ng aking passport at tinanong niya ko kung paano ako nag-e-Erasmus kung hindi naman ako galing Europa. Napaisip ako bigla tungkol sa mga banyagang estudyanteng nauna sa akin na nag-Erasmus din. Ganito rin ba ang nangyari sa kanila? Swertehan na lang ba na di tayo mapipigil? O lahat ba nahuhulog kalaunan?

‘Di ako dumating nang maaga, na halos kalahating araw pa bago ang byahe ko para lang pauwiin. Dahil galing ako sa Pilipinas, sanay na ako sa ganitong mga walang kabuluhang burukrasya. Ang Erasmus bilang isang banyaga ay walang pinagkaiba. Mas maagap at mas mabusisi ka sa paghahanda kahit na di naman ito hinihingi sa iyo, dahil di ka komportable sa pagpapahayag ng iyong karapatang manirahan sa Europa. Paulit-ulit ka kung mag-print ng mga dokumento habang yung mga kasama mong taga-Europa ay telepono lang ang dala. Hindi ba nakakapagod? Makalipas ang tatlumpung minuto, ang pagdating ng dalawang karagdagang empleyado, ang ubod ng daming papeles, at iilang tawag sa superyor, pinalusot na nila ako. Sobrang komplikado at katawa-tawa sa pagiging pahirap, napa-ngiti na lang ako sa pagiging ‘Kafkaesque’ ng aking sitwasyon.

Noong sa wakas ay nakatawid na ako sa kontrol, mas lalo akong napaisip tungkol kay Kafka. Tungkol sa kanyang kwentong “Metamorphosis” at kung paano ito mag-iiba kung sa kasulukuyan ito isinulat. Sa 2021, kung magising mula sa mga hindi mapalagay na mga panaginip si Gregor Samsa at siya ay naging isang malaking insekto, kanya kaya itong mapapansin? Sa tagal ng panahong inabot ng pandemyang ito, na tila ba tayong dinurog patungong pagsumite, magkakapake pa kaya siya? Sa kalagitnaan ng aking pag-isolate, ikinagalak ko pa siguro kung ako man ay tinubuan ng karagdagang mga paa. Tulong na rin siguro ito para mas makaramdam ako ng kahit ano. Saka baka padaliin nito ang balisang paglalakad sa loob ng kwarto. Pero siguro ang mas kapani-paniwalang mangyayari ay itutuloy niya lang ang nakagawian niya na sa covid: sasali sa mga pagkikita sa Zoom na nakapatay ang mikropono at kamera, na di man lang nababatid ng kanyang mga ka-trabaho ang kakaibang nangyari. Mukhang ang baligho ay may kapamanggitan.

Sumakay ako sa eroplano at kalaunan, dumating na ako sa Frankfurt kung saan ay dumalo ako sa isang online na pagkikita at sumagot ng dalawang pagsusulit sa aking halos 15 oras na layover. Mula doon, lumipad ako patungong Vienna at hinarap ako ng isang paliparang walang kahit anong kontrol batay sa covid. Ang pagkabaligho nang dalawang beses nagpasuri para sa Covid sa iisang araw at malamang di pala kailangang ipresenta ang mga resulta ay nakakapikon at nakakabalisa. Wala akong maisip na ibang kahulugang mas angkop kesa sa pagkakahiwatig ni Kierkegaard na ang pagkabalisa ay ang “pagkahilo ng kalayaan”[1]. Walang sinuman ang makakaintindi sa antas ng pagsisiyasat sa sarili na dala ng mapagsabihang kailangan mong ipakita ang iyong mga resulta sa mga awtoridad sa iyong pagdating at dumating na walang awtoridad na kung kanino mo pwede maipakita ang mga resulta, maliban na lang sa mga taong nakaranas na nito. Dala-dala ko ang pagkabalisang ito hanggang sa makarating ako sa Brno, kung saan, wala na namang kahit anong awtoridad o kontrol na batay sa Covid.

Sa aking pagbalik sa Brno, pakiramdam ko ay para ba akong dayuhan sa lungsod na tinawag kong aking tahanan sa humigit dalawang taon. Sa halos tatlong buwan lamang na pagkakawalay, kakaibang pakiramdam ang sabihing isa akong dayuhan. Mas kakaiba pa ang aminin na ako nga ay isang dayuhan. Isang banyagang nabigyan ng kakaibang pagkakataon na karaniwang para lamang sa mga estudyanteng taga-Europa. Sinwerte lang na makasali sa programa. Ganito kasi yan, lahat ng mga paniniwala at mga haka natin ukol sa mga usaping pagkakakilanlan ng sarili ay nahahamon sa pagsali mo sa Erasmus. Hindi makakaila na ang mga lugar na pinupuntahan mo ay nagiging parte mo kahit papaano. Mas nakikilala natin ang ating mga sarili kaugnay sa kung na saan man tayo. Nandirito ang tunay na kalagayan: Ang Erasmus ay isang pagsasanay sa eksistensyalismong pag-iisip. Isang usapan sa pagitan ng iyong sarili at ng iyong lipunan tungkol sa tunay na pagiging ikaw: tungkol sa mga prinsipyong nais mong panindigan, at tungkol sa uri ng kabutihang gusto mong ipaglaban.

Kaya kung tinanong ka tungkol sa karanasan mo habang nasa Erasmus, paano ba dapat sumagot? Dapat ba ay sumagot nang base sa mga klaseng iyong pinasukan at sa mga units na iyong nakamit? O baka naman ayon sa mga pagkakaugnayang nabuo at mga relasyong nasira? Sa pagtukoy ng kakanyahan at diwa ng isang bagay, isinasaad ni Husserl na dapat nating kilalanin ang mga bagay na kailangan at hindi maiiwasan[2] sa pagmemeron nito. Ang programang Erasmus ay may mga eksaktong patnubay kung saan nakasaad ang iyong pakikilahok pero wala itong pinagpapalagay sa iyong makukuha galing dito maliban lamang sa mga markang iyong makakamit. Kung kaya’t habang may depinisyon, wala itong ibig sabihin. O di kaya’y wala man lang pinagpapalagay na ibig sabihin. Samakatuwid, ang mga bagay na kailangan at hindi maiiwasan sa iyong Erasmus ay ang iyong pagsali dito. Parang buhay,

Para sa akin, ang pagsali sa Erasmus ay isang pagkakataong tumitig sa kailaliman- sa kawalan ng katiyakan sa kung anumang darating. Ang pag-asang ipag-harap ang mga prinsipyo’t paniniwala ko laban sa isang mundong mas magkasama-sama’t mas magkadikit. Higit pa sa isang malungkot na pagbabala, ang kawalan ng ibig sabihin nito ay isang paanyaya: Para sa pagkakataong siguradong makakaambag sa paglago ng ating sarili. Isang kabanatang sa balik-tanaw ay ating masasabing nagpalakas sa ating paninindigang maging mabuti para sa mundo at para sa mga taong malapit sa atin. Isang pagkakataong mamuhay nang tunay sa sentidong eksistensyalismo. Na matanggap ang bigat ng pagakaintindi na ang iyong karanasan ay ang kabuuan ng kung paano mo ginamit ang kalayaang itinakda para sa iyo ng Erasmus. Nag-aaral tayo sa pamantasan na handang matuto at subukin ang ating mga paniniwala. Mas higit pa ito sa Erasmus.

Pagkalipas ng isang buwan, nakuha ko na ang aking visa. Muli na naman akong sumakay ng eroplano pabalik ng Pransiya kung saan ko tatapusin ang aking semestre. Mas mahinahon ang byaheng ito kesa sa nauna. Nakabalik ako sa kwarto ko na pagod ang katawan at ang utak na ma’y hilo pa rin sa kalayaang nakabalot sa akin. Sa pagpapaigting ng aking paningin, itinapak ko ang kung gaano man karaming paa na meron ako, sa sahig.

Ang paglahok sa Erasmus ay magbibigay sayo ng kakaibang antas ng pananagutan sa iyong sarili. Kung saan ang iyong karanasan ay nakadepende lamang sa kung paano mo ito iniatas. Tulad ng sabi ni Camus: lahat tayo ay may mga pambihirang kalagayan[3]; Na sa iyo at sa iyong Erasmus, ang pagkakataong gawin itong tunay na pambihira.

Jerry Yao

[1] The Concept of Anxiety –  Søren Kierkegaard

[2] Logical Investigations – Edmund Husserl

[3] The Fall – Albert Camus

Facebook
Twitter
LinkedIn
WhatsApp
Email

Recent articles

You may also be interested in

Headline

Never Miss A Story

Get our Weekly recap with the latest news, articles and resources.
Cookie policy
We use our own and third party cookies to allow us to understand how the site is used and to support our marketing campaigns.

Hot daily news right into your inbox.